Krames by WebMD Ignite
Health Encyclopedia
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Pagkatapos ng Iyong Mammogram: Pag-unawa sa Iyong mga Resulta

Ang mammogram ay isang serye ng mga X-ray ng tisyu ng iyong suso. Kadalasang ginagawa ito upang mag-screen para sa kanser sa suso. Nangangahulugan ang pag-screen na paghahanap ng problema bago ka magkaroon ng mga sintomas. Maaari ding gamitin ang mammogram upang alamin pa ang tungkol sa bukol o iba pang pagbabago sa tisyu ng iyong suso.

Ipaliliwanag ng iyong tagapangalaga ng kalusugan ang mga resulta ng iyong mammogram. Magtanonong kung hindi mo naiintindihan ang sinabi sa iyo. Maaaring ipayo ng iyong tagapangalaga ang mas marami pang pagsusuri upang tingnan ang anumang bagay na kailangang higit pang suriin. Karinawan ang ganito. Hindi nangangahulugan na may kanser ka kung tinawagan ka para sa isa pang mammogram o iba pang pagsusuri.

Babaeng nakikipag-usap sa tagapangalaga ng kalusugan.

Ang BI-RADS scoring system

Iniiskoran ang iyong mga resulta ng mammogram mula 0 hanggang 6. Kilala ang sistemang ito ng pag-iskor bilang Breast Imaging Reporting and Data System (BI-RADS). Ginagawang mas madali ng 6 na kategorya na ibahagi ang mga resulta at gumawa ng mga follow-up na plano pagkatapos ng iyong mammogram. Kakausapin ka ng iyong tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa iyong iskor.

Tanging ang tagapangalaga ng kalusugan (radiologist) ang makakapagbigay ng kahulugan ng mammogram. Hindi masasabi sa iyo ng technologist na gumawa nito ang mga resulta. Hindi rin niya maipaliliwanag kung ano ang nakikita nila habang ginagawa ang eksaminasyon. Maghahanap ang radiologist ng mga problema sa mga imahe. Kukuhanin niya ang impormasyong ito at bibigyan niya ng iskor kapag ipadadala niya ang mga resulta sa iyong tagapangalaga ng kalusugan.

Pag-unawa sa iyong iskor ng BI-RADS

Mayroong 6 na kategorya sa mga resulta ng breast imaging:

Kategorya 0. Nangangahulugan ito na hindi kumpleto ang mga resulta ng iyong mammogram. Posibleng maulap ang iyong X-ray. Maaari nitong gawing mahirap na basahin ang mga imahe. O, may pagbabago sa tisyu, ngunit hindi ito malinaw. Kailangan ang higit pang impormasyon o imahe para mag-assign ng iskor.

Kategorya 1. Nangangahulugan ito na negatibo ang iyong mammogram. Ang negatibo ay nangangahulugan na walang pagbabago sa suso o mga palatandaan ng kanser na natagpuan. Dapat mong ituloy ang pagkakaroon ng regular na pagpapasuri.

Kategorya 2. Nangangahulugan ito na walang palatandaan ng kanser ang iyong mammogram. Ngunit nakita ang iba pang pagbabago na hindi kanser (benign). Maaaring ang mga ito ay mga cyst o benign calcification. Inirerekord ang mga pagbabagong ito. Ginagawa ito para masuri ang mga ito sa mga mammogram sa hinaharap. Dapat mong ituloy ang pagkakaroon ng regular na pagpapasuri.

Kategorya 3. Nangangahulugan ito na nagpapakita ang iyong mammogram ng mga pagbabago na pinakamalamang na hindi kanser (benign). Ngunit mayroong bahagyang (mas mababa sa 2%) tsansa ng kanser. Malamang na kailangan mo ng follow-up na mammogram sa loob ng 6 na buwan. Isinasagawa ito upang suriin ulit ang nagbagong tisyu.

Kategorya 4. Nangangahulugan ito na nakita ang mga pagbabago sa mga imahe, ngunit hindi malinaw na kanser ang mga ito. Maaaring payuhan ka ng iyong tagapangalaga na magpa-biopsy. May mga subgroup ang Kategorya 4:

  • 4A. Nangangahulugan ito na mababa ang tsansa ng pagbabago ng pagiging kanser (sa pagitan ng 2% at 10%).

  • 4B. Nangangahulugan ito na may katamtamang tsansa ng kanser (sa pagitan ng 10% at 50%).

  • 4C. Nangangahulugan ito na mataas ang tsansa ng kanser (sa pagitan ng 50% at 95%), ngunit hindi kasing taas ng kategorya 5.

Kategorya 5. Malamang na kanser ang mga nakitang pagbabago (mas mataas sa 95% na tsansa). Mahigpit na ipinapayo ang pagpapa-biopsy para sa tumpak na diyagnosis.

Kategorya 6. Ibig sabihin nito na-diagnose ka nang mayroong kanser sa suso at kinumpirma na ng pathologist ang diagnosis. Maaaring gamitin ang mga mammogram upang makita kung gaano kahusay na gumagana ang paggamot sa pamamagitan ng pagtingin sa mga pagbabago sa tisyu ng suso sa paglipas ng panahon.

Ang iskor ng densidad ng iyong suso

Kasama sa ulat ng iyong mammogram ang impormasyon tungkol sa kung gaano kasiksik ang iyong mga suso. Nangangahulugan ito na kung gaano karaming fiber at glandular na tisyu ang nasa iyong mga suso bilang karagdagan sa matabang tisyu. Kapag mas siksik ang iyong mga suso, mas mahirap na makita sa mga mammogram ang abnormal na mga bahagi. Karaniwan na ang pagkakaroon ng siksik na mga suso. May 4 na lebel ng densidad ng suso:

  • Kategorya A. Nangangahulugan ito na hindi siksik ang mga suso. Halos lahat ng ito ay matabang tisyu.

  • Kategorya B. Nangangahulugan ito na ang mga suso ay may nakakalat na mga bahagi ng siksik na glandular at may fiber na tisyu sa tisyu ng taba.

  • Kategorya C. Nangangahulugan ito na ang mga suso ay halos siksik na glandular at may fiber na tisyu. Ginagawa nitong mahirap na makita ang maliliit na tumor. Maaari itong tawagin na heterogeneously dense na mga suso sa ulat. Karaniwan ang ganito at hindi dapat ipag-alala.

  • Kategorya D. Nangangahulugan ito na napakasiksik ng mga suso. Ginagawa nitong mahirap na makita ang mga tumor sa tisyu.

Kung mayroon kang tisyu ng suso na siksik, makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa mga numero mo at kung ano ang ibig sabihin nito para sa iyo. Siguraduhin na alam niya ang iyong kasaysayan ng kalusugan. Sabihin din sa kanya kung may alam ka sa iyong kasaysayan na nagpapataas sa iyong panganib na magkaroon ng kanser sa suso.

Kung abnormal ang mga resulta ng iyong mammogram

Karaniwan ang mga pagbabago sa suso at kadalasang hindi kanser. Ngunit ang tanging paraan para makasiguro ay ang pagkakaroon ng mas marami pang pagsusuri. Maaaring ipayo ng iyong tagapangalaga ng kalusugan ang mga pagsusuri na makapagbibigay ng mas malinaw at mas detalyadong mga imahe ng suso. Maaaring sumailalim ka sa alinman sa mga ito:

  • Nakapokus na mammogram

  • 3-D mammogram

  • Ultrasound ng suso

  • MRI ng Suso

Kung ang alinman sa mga pagsusuring ito ang magpakita ng solidong mass o bukol, maaari kang magkaroon ng biopsy. Isang pamamaraan ang biopsy upang kumuha ng kaunting dami ng tisyu mula sa isang bahagi. Susuriin ang tisyu para sa mga selula ng kanser.

© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Disclaimer