Pagkaya sa PTSD
Bilang isang beterano sa labanan, nabuhay ka sa mga pangyayaring hindi maintindihan ng karamihang tao. Nalagay kayo ng iyong mga kaibigan sa panganib. Ibang-iba ang buhay sa lugar ng digmaan kumpara sa buhay sa bahay. Maaaring magambala ang iyong pang-araw-araw na rutina ng matitinding tensyonado at magugulong pangyayari. Sa katunayan, malamang na nalagay o nakasaksi ka na ng mga sitwasyong nagsasapanganib ng buhay. At kinailangan mong itago ang iyong mga nararamdaman at reaksyon sa stress. Nasa bahay ka na ngayon. Kahit ligtas ka na, nararamdaman mo na mayroong mali. Nagkakaroon ka ng masasamang panaginip. O pumapasok sa iyong utak nang hindi inaasahan ang mga hindi mo gustong mga alaala ng labanan, na kung minsan ay sinisimulan ng tunog o amoy. Maaaring nakararamdam ka ng pagkabalisa, galit, takot, pagkabagabag ng konsensiya, o pag-iisa. At hindi napapawi ang mga nararamdaman. Mga sintomas ito ng posttraumatic stress disorder (PTSD).
 |
Maaaring isagawa ang pagpapayo sa isang kapaligiran na panggrupo kasama ang iba pang Beterano na nagkaroon din ng mga karanasang katulad ng sa iyo. |
Ano ang PTSD?
Isang kalagayan ng matinding takot at pagkabalisa ang PTSD. Nangyayari ito pagkatapos ng isang sitwasyong traumatiko at nagsasapanganib ng buhay. Normal ang matakot at mabalisa bilang reaksyon sa panganib. Ngunit dapat na maglaho ang mga pakiramdam na ito pagkalipas ng panganib. Kapag may PTSD, nahihirapan ang iyong katawan at isip na makabawi mula sa trauma. Maaaring manatili nang ilang buwan o taon pa ang pakiramdam na nalalagay ka sa panganib. Karaniwang sanhi ng PTSD ang digmaang militar.
Ano ang pakiramdam ng mayroong PTSD?
Tumatagal nang mahigit sa isang buwan ang mga sintomas ng PTSD. Maaaring kabilang sa mga ito ang:
-
Hindi gusto o masidhing mga alaala ng trauma
-
Masasamang panaginip
-
Malilinaw na alaala (pagbabalik sa nakaraan) na nagpaparamdam sa iyo na muli mong binabalikan ang kaganapan
-
Nag-aalala, natatakot, nababalisa, o naghihinala
-
Matinding reaksyon kapag iyong naaalala ang trauma (o kung minsan ay walang makitang anumang dahilan)
-
Masasamang kaisipan tungkol sa digmaan, kamatayan, o pagpatay
-
Pakiramdam na nakahiwalay o mag-isa, na tila “wala ka sa iyong sarili”
-
Pagkawala ng interes sa mga bagay na dati kang nasisiyahan
-
Ninenerbiyos, tensiyonado, hindi mapanatag, o madaling magulat
-
Biglaang mga pagsiklab ng galit o pagkainis
-
Nahihirapang magtuon ng pansin
-
Nahihirapang makatulog o manatiling tulog
Ano-ano ang mga trigger?
Kapag may PTSD, ang mga bagay na nagpapaalala sa iyo sa mga traumatikong pangyayari ay ipinaparamdam sa iyo na tila nasa panganib ka muli. Tinatawag ang mga paalalang ito na mga trigger. Ibinabalik ng mga ito ang mga alaala, emosyon, at pisikal na reaksyon na kaugnay sa trauma. Sa ilang kaso, madaling makilatis ang trigger. Maaaring magpaalala ng putok ng baril ang tunog ng kulog. O maaari kang makakita ng debris sa gilid ng kalsada at biglang maalala ang bomba sa tabi ng daan. Sa ibang mga pagkakataon, hindi gaanong malinaw ang pagkakaugnay. Halimbawa, maaaring ang trigger ay ang lasa o amoy ng pagkain na pangkaraniwan kung saan ka ipinadala. O maaaring mag-udyok ng alaala ang pagkarinig sa boses na katulad ng sa kasamahan mong nagsilbi. Maaari pa ngang lumabas ang mga trigger sa iyong mga panaginip, dahilan upang tumugon ka habang natutulog.
Puwedeng makasagabal ang PTSD sa iyong buhay
Kahit ligtas ka na ngayon, maaaring iparamdam sa iyo ng PTSD na tila nasa panganib ka. Kapag may nararamdamang panganib ang iyong isip, kumikilos ang iyong katawan bago ka magkaroon ng oras para makapag-isip. Kapag nahaharap ka sa trigger, maaari kang biglaang magalit o matakot. Umaapaw ang iyong katawan sa pangamba at adrenaline. Maaari kang tumugon nang napakabilis. Maaari pa ngang hindi mo maalala ang trigger. Maaari itong humantong sa mga pagsilakbo ng galit at mga pag-uugaling tila “di-inaasahan.” Kapag mayroon kang PTSD, maaari kang:
-
Lumayo sa mga trigger tulad ng mga tao, lugar, at bagay na nagpapaalala sa iyo ng trauma.
-
Masidhing tumugon sa mga nagpapaalala ng trauma (tulad ng balita sa TV tungkol sa digmaan o pakikipag-usap sa iba pang nasa militar).
-
Palagiang tumingin sa iyong paligid para sa mga senyales ng panganib.
-
Ilagay ang sarili sa panganib dahil sa mga biglaang pagtugon sa pinaghihinalaang banta (tulad ng pagliko upang makaiwas sa overpass habang nagmamaneho).
-
Abusuhin ang alak o droga para hindi mo maisip ang trauma (self-medicating).
-
Baguhin ang iyong rutina upang makaiwas sa mga trigger.
Makatutulong ang gamutan upang maibalik sa dati ang iyong buhay
Maaari mong isipin na senyales ng kahinaan ang paghingi ng tulong. Sa katunayan, kailangan ang lakas ng loob sa paggawa ng hakbang upang mas mapabuti ang iyong buhay. Maaaring mahirap ang pagtalakay tungkol sa trauma, ngunit malaki ang magagawa nitong kaibhan. Pagpapayo ang pangunahing paggamot sa PTSD. Makikipagtulungan ka sa isang sinanay na dalubhasa (therapist) upang matuto ng mga bagong paraan para makayanan ang iyong mga karanasan. Maaari ding resetahan ka ng gamot para makatulong sa pagkabalisa, depresyon, o pagtulog. Natutulungan ng pinagsamang pagpapayo at gamot ang karamihang taong may PTSD.
Mga uri ng pagpapayo
Isinasagawa ang pagpapayo sa isang ligtas na kapaligiran, isahan man o sa isang grupo. Kadalasang isinasagawa ang group therapy kasama ang iba pang Beterano na dumaan sa pakikipagdigma. Kadalasang ginagamot ang PTSD gamit ang isa o higit pa sa mga sumusunod na anyo ng pagpapayo. Makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa iyong mga pamimilian upang makapagpasya ka sa paraan ng pagpapayo na angkop sa iyo.
-
Tinutulungan ka ng cognitive processing therapy (CPT) na makayanan ang mga negatibong kaisipan na nauugnay sa trauma. Makikipagtulungan ka sa isang therapist upang mas maunawaan ang iyong naiisip at nararamdaman tungkol sa nangyari. At matututo ka ng mga kasanayan upang tulungan kang mas makayanan ang trauma. Hindi naaalis ng CPT sa iyong isip ang nangyari. Ngunit mas mapadadali nito ang mabuhay kasama ang mga alaala.
-
Tinutulungan ka ng prolonged exposure therapy (PE) na harapin ang mga saloobin at sitwasyong nauugnay sa trauma gamit ang mga bagong paraan. Matututo ka ng mga paraan sa paghinga at pagrerelaks upang pakalmahin ang iyong sarili kapag nahaharap ka sa mga trigger. Sa tulong ng iyong therapist, maaaring humarap ka sa mga sitwasyong magpapaalala sa iyo ng trauma (in vivo exposure). Matututo kang mabawasan ang iyong mga reaksyon sa paglipas ng panahon, na makatutulong sa pag-iwas. Pag-uusapan din ninyo ang trauma upang tulungan kang magkaroon ng kontrol sa kung ano ang iyong iniisip at nararamdaman tungkol dito (imaginal exposure).
-
Kasama sa iba pang mga therapy para sa PTSD ang:
-
Pagsasanay para sa mga kasanayan sa pagkaya
-
Pagsasanay sa pagtanggap at pangangako
-
Eye movement desensitization and reprocessing (EMDR)
-
Pagpapayo sa pamilya
-
PTSD psychoeducation
Ano ang naghihintay sa iyo
Sa digmaan, dumaan ka sa mga pangyayaring makabuluhang nakapagpabago ng buhay. Malamang na bahagya kang maapektuhan ng mga ito nang habambuhay. Gayunman, malaking hakbang patungo sa tamang direksiyon ang paghingi ng tulong. Magiging mahirap ang paggamot, at magtatagal ang paggaling. Maging mapagpasensiya sa iyong sarili. Bagama’t maraming tao ang hindi nauunawaan ang iyong panahon sa digmaan, hindi mo kailangang harapin ang PTSD nang mag-isa. Tanggapin ang tulong at suporta mula sa iyong pamilya, mga kaibigan, at tagapangalaga ng kalusugan. At patuloy na makipag-ugnayan sa iyong mga kaibigan sa militar. Malamang na higit pa sa iyong inaakala ang mga taong nakauunawa sa iyong pinagdaanan.
Upang malaman ang higit pa
Para sa karagdagang impormasyon at mga mapagkukunan, makipag-ugnayan sa Veterans Crisis Line sa 800-273-8255 o online sa www.veteranscrisisline.net. Maaari ka ring mag-text sa 838255 para sa suporta. Hindi ka pa nakapagpatala sa mga benepisyo ng VA o pangangalaga ng kalusugan upang kumonekta sa suportang ito.
Kung nagpaplano kang saktan ang iyong sarili
Humingi ng tulong ngayon. May maraming paraan upang maibsan ang iyong pananakit at pamahalaan ang mga problema sa iyong buhay. Makipag-usap kaagad sa iyong tagapangalaga ng kalusugan, sa iyong coordinator sa pag-iwas sa pagpapakamatay ng Veterans Administration (VA), o isang kaibigan o miyembro ng pamilya. Huwag maghintay.
Kung may plano ka o nag-iisip na saktan ang iyong sarili, tumawag sa 800-273-8255 at i-press ang 1 upang kumonekta sa Veterans Crisis Line. O mag-text sa 838255 gamit ang iyong telepono. Ikokonekta ka sa sinanay na mga tagapayo sa krisis na tutulong sa iyo. Ang opsyon na online chat ay magagamit din sa www.veteranscrisisline.net. Ang Veterans Crisis Line ay libre at magagamit 24/7. Maaari ka ring tumawag o mag-text sa 988 upang maikonekta sa mga tagapayo sa krisis sa National Suicide Prevention Lifeline.