Krames by WebMD Ignite
Health Encyclopedia
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Pericarditis

Ano ang pericarditis?

Tumutulong ang pericardium na pangalagaan ang puso mula sa impeksiyon at hinahayaan ang puso na gumalaw sa bawat pagtibok. Binubuo ito ng 2 manipis na suson ng tisyu na may kaunting dami ng likido sa pagitan ng mga ito. Kapag namaga ang mga suson na ito, maaaring kumiskis ang mga ito sa puso. Nagdudulot ito ng pananakit ng dibdib. Pinakamadalas mangyari ang pericarditis pagkatapos ng impeksiyon sa palahingahan. Nangyayari ito sa mga tao sa lahat ng edad, ngunit mas karaniwan sa mga lalaki na may edad na 20 hanggang 50 taon.

Balangkas ng dibdib ng tao na nagpapakita ng puso at pericardium. Malapitang kuha ng hinating bahagi na nagpapakita ng dalawang salansan ng namamagang pericardium na may likido sa pagitan nito sa pinakataas na dingding ng puso.
Sa pericarditis, kumukuskos ang mga namamagang layer ng pericardium sa puso. Humahantong ito sa pananakit and iba pang mga sintomas.

Ano ang mga sintomas ng pericarditis?

Ang pericarditis ay maaaring panandalian (acute) o pangmatagalan (hindi gumagaling). Ang uring acute ay nangyayari nang biglaan at karaniwang nagtatagal nang ilang araw o hanggang 3 linggo. Ang uring hindi gumagaling ay nabubuo sa paglipas ng panahon at nagtatagal nang higit sa 3 buwan. Maaaring mag-iba-iba ang mga sintomas sa pagitan ng mga uri.

  • Maaaring kabilang sa mga sintomas ng acute pericarditis ang:

    • Matinding pananakit sa gitna o kanang bahagi ng dibdib. Mas malubha ang pananakit kapag humihinga nang malalim at maaaring gumaling kapag nakaupo o nakadukwang.

    • Lagnat

    • Panghihina

    • Hirap sa paghinga

    • Kumukutob na tibok ng puso (mabilis at iregular na pagtibok ng puso)

    • Pag-ubo

  • Maaaring kabilang sa mga sintomas ng hindi gumagaling na pericarditis ang:

    • Pagkapagod

    • Pag-ubo

    • Kakapusan sa hininga

    • Pamamaga ng tiyan at mga binti (sa malulubhang kaso)

    • Mababang presyon ng dugo (sa malulubhang kaso)

    • Pananakit ng dibdib na mas lumulubha sa paghiga o sa paghinga nang malalim at bumubuti kapag nakaupo at nakadukwang

Ano ang nagdudulot ng pericarditis?

Kadalasan, hindi alam ang sanhi ng kondisyong ito (idiopathic pericarditis). Ang mga ito ang mga posibleng sanhi:

  • Impeksiyon ng virus. Ito ay karaniwang sanhi, kadalasang pagkatapos ng impeksiyon ng virus sa palahingahan

  • Impeksiyong bakterya o fungus

  • Mga sakit na autoimmune, tulad ng scleroderma at lupus

  • Paggaling mula sa atake sa puso

  • Pinsala o operasyon sa dibdib, lalamunan, o puso

  • Paggamot gamit ang radyasyon sa dibdib

  • Ilang uri ng kanser

  • HIV/AIDS

  • Mga gamot na pumipigil sa sistema ng imyunidad

  • Pagpalya ng bato

Paano nada-diagnose ang pericarditis?

Susuriin ng tagapangalaga ng kalusugan ang kasaysayan ng iyong kalusugan at hihilingin na ilarawan ang iyong mga sintomas. Magkakaroon ka rin ng pagsusuri ng katawan. Pakikinggan ng iyong tagapangalaga ang iyong puso upang makita kung gumagawa ito ng ilang tunog na tinatawag na pericardial rub. Maaaring magkaroon ka ng mga pagsusuring ito:

  • Electrocardiogram (ECG). Inire-record ng pagsusuring ito ang electrical activity ng iyong puso. Sa panahon ng ECG, inilalagay ang maliliit at madidikit na pad (mga electrode) sa iyong dibdib, mga kamay, at binti. Ikinokonekta ng mga kawad ang mga pad sa isang makina, na nagre-record ng mga electrical signal ng iyong puso. May partikular na pattern ang pericarditis na makikita sa ECG. Ngunit madalas na kailangan ang maraming pagsusuri para kumpirmahin ito.

  • Mga pagsusuri sa lab. Maaaring kuhanin ang mga sampol ng dugo o pericardial fluid at susuriin sa lab. Makakatulong ang mga pagsusuring ito na mahanap ang sanhi ng pericarditis.

  • Mga imaging test ng puso o dibdib. Maaaring kabilang dito ang X-ray, MRI, at CT. Gumagawa ang mga ito ng mga imahe ng puso o loob ng dibdib. Ang MRI scan ay gumagamit ng mga magnet at radio waves. Ang CT scan ay gumagamit ng mga X-ray at computer.

  • Echocardiogram (echo).  Lumilikha ang pagsusuring ito ng gumagalaw na imahe ng puso gamit ang teknolohiyang ultrasound. Sa panahon ng echo, ang probe na pinagagalaw sa ibabaw ng dibdib ay nagpapadala ng hindi mapanganib na mga sound wave. Lumilikha ang mga ito ng imahe na nagpapakita ng laki at hugis ng puso. Ipinapakita nito kung paano gumagana ang puso. Ipinapakita rin nito kung tuluy-tuloy

Paano ginagamot ang pericarditis?

Ang paggamot ay depende sa kung gaano kalubha ang kondisyon. Maaaring matugunan ng paggamot ang mga sintomas o ang sanhi ng pericarditis. O maaari nitong matugunan ang mga kumplikasyon na maaaring maidulot ng kondisyon.

  • Paggamot sa mga sintomas. Para sa maliliit na sintomas, maaaring ang pahinga lamang ang kailangang paggamot. Maaaring ireseta ang gamot upang maibsan ang pananakit at pamamaga. Kabilang sa mga ito ang aspirin at ibuprofen. Kung matindi ang pananakit, maaaring ireseta ang malakas na panlaban sa pamamaga na tinatawag na colchicine.

  • Paggamot sa sanhi, kung alam. Halimbawa, maaaring ireseta ang antibayotiko. Ito ay ginagawa kung ang sanhi ay impeksiyon ng bakterya.

  • Paggamot sa mga kumplikasyon. Maaaring magresulta ang mga malubha ngunit hindi karaniwang kumplikasyon mula sa parehong acute at hindi gumagaling na pericarditis. Kasama sa mga ito ang:

    • Cardiac tamponade. Naiipon ang likido sa mga suson ng pericardium. Maaari nitong pigilin na gumana nang tama ang puso. At pinipigil nito na dumaloy ang tamang dami ng dugo sa katawan. Upang gamutin ang kondisyong ito, ipinapasok ang isang karayom sa dingding ng dibdib at sa pagitan ng mga suson ng pericardium upang alisin ang ekstrang likido. Kung minsan maaaring gawin ang operasyon upang alisin ang isang bahagi ng pericardium.

    • Constrictive pericarditis. Sa paglipas ng panahon, nabubuo ang tisyu na mukhang pilat sa pericardium. Pinipigilan ng tisyu ang puso na lumaki nang sapat kapag tumitibok ito. Pinipigilan nito ang puso na gumana nang tama. Operasyon upang putulin o alisin ang pericardium ang tanging madalas na paggamot.

Kailan ako dapat tumawag sa aking tagapangalaga ng kalusugan?

Tumawag sa tagapangalaga ng iyong kalusugan kaagad kung mayroon ka ng alinmang sintomas ng pericarditis. Higit na mahalaga ito kung mayroon kang pananakit ng dibdib. Kapag walang paggamot, maaaring maging banta sa buhay ang kondisyong ito.

© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Disclaimer